<

« May SAkit Ako | Main | La Lang »

December 21, 2004

Sabi ng Doktor

Nitong mga huling araw nga ay hindi masyado maganda ang pakiramdam ko, kaya kaninang umaga ay talaga namang nag lakas loob na akong pumunta sa aking doktor upang malaman kung ano ba itong nararamdaman ko. Baka naman kasi medyo "tamadaytis" lang o di naman kaya ay "lungkotaytis"...kasi nga di vah, tag lamig na. Madalas na ngayon umiiral ang mga sakit-sakit na dala lamang ng imahinasyon lang. Sa maikling salita, may topak lang!

Pag dating ko sa opisina ng doktor, ibinigay ko na agad ang aking mediker kard at naupo na ako sa silid palipasan ng oras. Nilabas ko ang aking krossword na nabili ko pa sa Pilipinas nitong huli kong uwi, subalit hanggang ngayon ay wala pa akong nabubuo o natapos man lang. Lintik, mahina na talaga ang utak ko. Dapat talaga yata ay mag ka-kain ako ng pud por da breyn, tulad ng mani, pero bawal naman ito sa akin dahil mataas ang uric acid ko; tsokolate na malakas maka pagpa pimpols sa mukha ko. Pero teka, totoo naman kaya ang mga kasabihang ito? Hmmmp! maka balik na nga lang sa kuwento ko. Naliligaw na naman kasi ako ng landas.

HIndi naman ako masyadong nagtagal sa loob ng silid na iyon. Maya-maya lang ay tinawag na ako ng doktor. Pagka upo ko sa loob ng kuwarto niya, tinanong niya agad kung ano ba ang nararamdaman ko. Eh di, sinabi ko namang lahat. Masakit ang lalamunan ko, Doktor (na malamang dahil lang sa kaka praktis kong mag-vocalization sa kotse habang nag mamaneho ako papasok sa trabaho at pauwi ng bahay), nitong huling araw mainit ang katawan ko at umaabot sa 39 degress ang temperatura ko at nananakit ang buong katawan ko. Nanghihina ako palagi at ang ubo at sipon ko ay hindi nawawala. Ano ba ang nangyayari sa akin doktor?

Aba misis, hindi ko pa rin alam yan. Teka, i ba-blood test ka namin at tapos bukas ay bibigyan kita ng skedyul para magpa x-ray.

Ngekkk! Tama ba yun? Tapos sabi ko sa kanya, may trabaho ako bukas, kaya kailangan ko ng sick leave slip dahil sa schedule ng x-ray ko. HIndi niya naman ako puwedeng bigyan noon at doon na lang daw ako humingi sa pagpapa x-ray-han ko. Ean ko ba, pero bakit kaya malakas ang kutob ko na kailangan magbago na kao ng doktor?

Posted by missP at December 21, 2004 10:06 PM